Kinumpirma ng Department of Health na bumaba sa 6,457 ang bilang ng mga kaso ng Influenza-like Illnesses o ILI sa bansa mula September 28 hanggang October 11, 2025. Mas mababa ito ng 39% kumpara sa naitalang 10,740 na kaso dalawang linggo bago nito.
Ayon sa DOH, kahit patuloy pa ang surveillance at posibleng magbago ang datos, mas mababa pa rin ito ng 25% kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.
Nilinaw naman ni Health Secretary Ted Herbosa na walang outbreak at hindi kailangan ng lockdown.
Paalala ng DOH sa publiko — ugaliin ang paghuhugas ng kamay, takpan ang bibig at ilong kapag uubo o babahing, matulog nang sapat, kumain nang tama, at uminom ng maraming tubig.
Kung makaranas ng sintomas tulad ng lagnat, ubo, o pananakit ng lalamunan, manatili muna sa bahay at agad kumonsulta sa pinakamalapit na health center.