Patay ang isang lalaki matapos umanong saksakin ng kainuman sa Brgy. Banay-Banay, Cabuyao City, Laguna pasado alas-10:00 ng gabi, October 17, 2025.
Ayon sa Cabuyao City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga opisyal ng barangay tungkol sa naganap na pananaksak sa Phase 3, Lakeside Nest. Agad rumesponde ang mga imbestigador sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-iinuman noon ang biktimang si Ricky at ang suspek na kinilalang Francisco kasama ang ilang kaibigan. Nang umalis ang mga kasama, nagpatuloy pa umano sa tagayan ang dalawa hanggang sa mauwi ito sa mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng alitan, kumuha umano ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima sa kanang tagiliran na agad nitong ikinasawi.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek habang narekober naman ng mga pulis ang ginamit na patalim. Patuloy pa ang imbestigasyon ng Cabuyao City Police upang mahuli ang tumakas na salarin at inaalam na rin ang motibo sa pamamaslang. | BChannel news