Arestado ang isang lalaki matapos umanong holdapin at gahasain ang isang massage therapist sa loob ng isang hotel sa Brgy. Dila, Bay, Laguna nitong October 17, 2025.
Ayon sa ulat ng Bay Municipal Police Station, bandang alas-12:40 ng tanghali nang mag-book ng massage service ang suspek na si Jonel sa isang Hotel. Pagpasok ng biktima sa Room 2, bigla raw siyang tinutukan ng patalim sa leeg ng suspek sabay sabing, “Hold-up ‘to, huwag ka na lang maingay.”
Itinali umano ng suspek ang kamay at paa ng biktima, tinakpan ang kanyang mga mata, at doon na siya ginahasa. Matapos ang insidente, nagtangkang tumakas ang suspek ngunit agad itong nahuli ng mga concerned citizens.
Nabawi rin sa kanya ang ninakaw na cellphone ng biktima — isang iPhone 11 Pro Max. Personal na nagtungo sa Bay MPS ang biktima kasama ang mga otoridad upang magsampa ng pormal na reklamo laban sa suspek. | BChannel news