Arestado ang isang barangay kagawad matapos umano’y harangin at hampasin ang windshield ng isang tourist bus sa Barangay Gonzales sa Tanauan City Batangas nitong Oktubre 18, 2025.
Kinilala ng Tanauan Component City Police Station ang suspek na si Yan, 42 anyos, at residente rin ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, bigla umanong hinarang ni Yan ang bus na sakay ang mga bisita ng J. Castle Theme Park, dahilan para mapilitang huminto ang driver.
Hindi pa rito nagtapos — galit na galit umanong pinukpok ng suspek ang windshield ng bus, dahilan ng matinding takot at alarma hindi lang sa mga turista kundi maging sa mga security personnel ng parke.
Dahil sa insidente, agad humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng theme park na kinakatawan ni Eleuterio. Rumesponde agad ang mga tauhan ng Tanauan CCPS at dinakip ang suspek.
Sa ngayon, inihahanda na ang kasong Slight Illegal Detention at Alarms and Scandal laban kay Yan, na naipabatid na rin sa kanya ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng batas. | BChannel news