Isang bomb threat ang natanggap ng Batangas State University – Pablo Borbon Campus sa Batangas City na nagdulot ng takot at pangamba sa mga estudyante at pamunuan ng paaralan.
Ayon sa Batangas City Component Police Station o CCPS, bandang alas-9:15 ng gabi nitong Oktubre 19, personal na nagtungo sa kanilang himpilan si Rodrigo, ang Director ng Action Center ng nasabing unibersidad, upang ipabatid ang naturang insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, natuklasang may isang indibidwal na nagngangalang Brianna ang nagpadala ng email sa ilang estudyante ng BatStateU gamit ang email address na briannabella1879@gmail.com.
Sa mensahe, nagbabala ito tungkol umano sa posibleng pagsabog sa loob ng unibersidad kinabukasan, Oktubre 20, 2025.
Ayon sa nilalaman ng email, nakasaad dito ang mensaheng:
“ATTENTION, EVERYONE. This is an important announcement. We have received information about a possible bomb threat at Batangas State University-Pablo Borbon Campus tomorrow, October 20, 2025. For your safety, please remain calm and proceed to the nearest exit in an orderly manner if you’re already inside the campus. Do not panic, do not touch any suspicious objects, and follow the instruction of the authorities or safety personnel. Your cooperation is important to keep everyone safe.”
Agad namang nagsagawa ng beripikasyon at imbestigasyon ang Batangas CCPS upang alamin kung totoo ang naturang banta at matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpapadala ng email.
Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante at kawani ng Batangas State University. | BChannel news