Nabulabog ang iba’t ibang campus ng Batangas State University kabilang na ang Pablo Borbon, Alangilan, at ARASOF matapos makatanggap ng sunod-sunod na bomb threats nitong Martes, October 21.
Ayon sa pamunuan ng unibersidad, nagdulot ito ng takot at pagkaantala sa serbisyo para sa libu-libong estudyante at empleyado.
Mariing kinondena ng BatStateU ang naturang pagbabanta na tinawag nilang direktang pag-atake sa kanilang layuning magbigay ng ligtas at de-kalidad na edukasyon.
Kasunod nito, tiniyak ng pamunuan na nakikipag-ugnayan na sila sa mga otoridad para sa masusing imbestigasyon at para matukoy ang mga nasa likod ng banta.
Babala naman ng unibersidad, ang pagpapakalat ng maling impormasyon o paggawa ng bomb threat ay mabigat na krimen na may katapat na parusang pagkakakulong at multa sa ilalim ng batas.
Samantala, nitong linggo rin, isang bomb threat ang unang natanggap ng BatStateU Pablo Borbon Campus matapos makatanggap ng email mula sa nagngangalang Brianna, na nagbababala umano ng pagsabog sa loob ng paaralan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naturang insidente. | BChannel news