Arestado ang isang lalaki sa pagbabanta at pagpapaputok ng baril na naganap pasado alas-3 ng hapon nitong Oktubre 26 sa Barangay Acle, Tuy, Batangas
Batay sa imbestigasyon ng Tuy Municipal Police Station, habang nasa harap ng kanilang bahay ang biktimang si Edgar, 69 anyos, isang magsasaka, ay dumating ang lasing na kapitbahay na si Gerard, 68 anyos, at residente rin ng nasabing barangay. Bigla umanong nagbanta ang suspek sa biktima at sumigaw ng, “Putang ina mo, papatayin na kita!”
Pagkatapos noon, naglabas ng baril ang suspek at nagpaputok ng ilang beses sa lupa malapit sa kinatatayuan ng biktima. Sa kabila ng takot, nagawa pa ni Edgar na agawin ang baril matapos niya itong yakapin at hampasin sa braso, dahilan para mabitawan ni Gerard ang kanyang armas.
Agad tumakas ang biktima patungo sa kanyang bahay habang ang mga tauhan ng Tuy MPS naman ay mabilis na rumesponde at inaresto ang suspek.
Nakumpiska sa kanya ang isang Glock 19c Austria 9mm pistol na may serial number HWG263 na may limang bala, isang extra magazine na may apat na bala, at anim na basyo ng parehong kalibre.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Tuy Municipal Police Station ang suspek at inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso kabilang ang Grave Threat, Alarm and Scandal, at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. | BChannel news