Normal lamang ang maliliit at madalas na pagputok ng Bulkang Taal, ayon sa Phivolcs.
Araw-araw ay posible itong mangyari nang ilang ulit, lalo na kung tuloy-tuloy ang paglabas ng volcanic gas o degassing.
Paliwanag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol, karaniwan nang nagkakaroon ng maiikling pagputok sa Taal, tulad ng naitala nitong Linggo — isang phreatic at dalawang phreatomagmatic eruptions.
Ang phreatic eruption ay dulot ng mainit na bato o gas na nakasalamuha ng tubig, dahilan para bumuga ng singaw at abo.
Samantala, ang phreatomagmatic eruptions naman ay mas malakas dahil sa direktang interaksiyon ng magma at tubig.
Bagaman nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, muling pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na huwag pumasok sa permanent danger zone, kabilang ang Taal Volcano Island, dahil maaaring maganap ang biglaang pagputok kahit walang babala.| BChannel news