Isang lalaki ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan sa naganap na banggaan ng motorsiklo at tricycle sa Barangay Bagtas, Tanza, Cavite bandang alas-8:30 ng gabi nitong Oktubre 26, 2025.
Ang insidente ay naiulat sa Tanza Municipal Police Station pasado ala-1:05 ng madaling-araw, Oktubre 27.
Base sa ulat ng mga tanod ng Bagtas Outpost na sina Barangay Tanod Nolito Ardonia at Joshua Arcenilla, habang binabaybay ng biktimang si Lawrence, 22-anyos, residente ng Brgy. Punta 1, Tanza, ang Barangay Road sakay ng kanyang gray na motorsiklo na may plakang 4430ZF, ay kasunod umano siya ng isa pang sasakyan papunta sa direksyon ng Vista Mall.
Ayon kay Arava Avelzor Visitacion, Chief Tanod ng Brgy. Bucal at sakay ng isa pang motorsiklo sa lugar, bigla umanong may tricycle na kulay itim, na nag-overtake sa kabilang linya at mabilis ang takbo. Nawalan ito ng kontrol at sumalpok sa sinusundan ni Lawrence. Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala ang harapang bahagi ng motorsiklo ng biktima na agad dinala sa pagamutan, subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Ang tricycle naman na minamaneho ng suspek na si Boni, residente rin ng Brgy. Bagtas, ay nagtamo rin ng pinsala sa harapan. Siya at ang kanyang pasahero ay agad na isinugod sa Hospital para sa lunas.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Tanza Municipal Police Station upang matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga sasakyan at kung may pananagutan sa nasabing insidente. | BChannel news