Naaresto ng mga pulis sa Rosario, Batangas ang isang lalaking kabilang sa listahan ng Regional Most Wanted Persons dahil sa mga kasong panggagahasa at paglabag sa karapatan ng mga menor de edad.
Kinilala ang suspek na si Marvin, 27-anyos, at residente ng Barangay Marilag, Rosario, Batangas. Nahuli siya noong October 27, sa bisa ng tatlong Warrant of Arrest na inilabas ng Family Court Branch 2 sa Lipa City.
Kinasuhan si Marvin ng Rape by Sexual Assault na may kaugnayan sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law, na inamyendahan ng RA 11648. May rekomendadong piyansang dalawang daang libong piso para rito. May dalawa pa siyang kasong Statutory Rape kung saan walang piyansang itinakda.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga kaso ay may kinalaman sa pang-aabusong ginawa umano ng suspek laban sa mga menor de edad na babae.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Rosario Municipal Police Station si Marvin habang inihahanda ang mga dokumentong isusumite sa korte para sa pormal na pagsasakdal.