Muling gumawa ng ingay sa mundo ng boksing si People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao matapos italaga bilang Vice President ng International Boxing Association o IBA.
Pormal na ipinahayag ang kanyang pagkakahirang sa pagpupulong ng IBA Board of Directors na ginanap sa Maynila nitong Oktubre 27.
Ayon kay IBA President Umar Kremlev, ang buhay ni Pacquiao ay sumasalamin sa layunin ng asosasyon—ang bigyan ng patas na pagkakataon ang bawat batang boksingero sa buong mundo.
Nagpasalamat naman si Pacquiao at tiniyak na bilang bagong bise presidente, bubuo siya ng tulay sa pagitan ng mga amateur at professional boxers upang walang batang maiiwan sa laban ng buhay.
Kasabay nito, kinumpirma rin ng Pambansang Kamao ang kanyang comeback fight sa Enero 24, 2026 sa Las Vegas.