Isang lalaki ang sugatan matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Tipaz, San Juan, Batangas, kaninang madaling-araw nitong Oktubre 30, 2025.
Ayon sa ulat ng San Juan Municipal Police Station, habang nakatayo ang biktimang kinilalang si Cain, 41 anyos, residente ng nasabing barangay, at nagbibigay-daan sa mga dumadaang sasakyan, biglang sumulpot ang dalawang lalaki sakay ng motorsiklo.
Walang sabi-sabing pinaputukan ng mga suspek ang biktima ng sunud-sunod bago mabilis na tumakas patungo sa di pa malamang direksyon.
Tinamaan si Cain sa kanang balakang at agad na isinugod ng mga concerned citizen sa San Juan District Hospital. Bandang ala-1:30 ng madaling-araw, nakatanggap ng tawag ang San Juan Police mula sa staff ng ospital na nag-ulat sa insidente. Sa kasalukuyan, nasa stable condition na ang biktima at posibleng ilipat sa Batangas Medical Center para sa karagdagang gamutan.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up investigation ng mga pulis para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Nagpapatuloy rin ang dragnet operation para sa posibleng pagkakahuli ng mga suspek, habang humingi na rin ng tulong ang San Juan PNP sa SOCO para sa karagdagang ebidensya sa lugar ng insidente. | BChannel news

 
         
        