Handa na ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA sa inaasahang dami ng pasahero ngayong Undas 2025, ayon sa Manila International Airport Authority.
Sa tulong ng private partner na New NAIA Infra Corp at sa ilalim ng NAIA modernization program, tiniyak ni MIAA General Manager Eric Jose Ines na ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng mga pasahero.
Mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, inaasahang higit 1.3 milyon ang dadaan sa tatlong terminals ng NAIA. Sa ilalim ng Oplan Undas 2025, dagdag na staff ang ipapakalat para sa passenger assistance, security, at crowd management. Bukas na rin ang bagong 6,000-square-meter mezzanine food hall sa Terminal 3, dagdagan ang retail outlets, at upgraded ang air-conditioning, seating, lighting, pati na rin ang self-check-in kiosks at Wi-Fi.
Pinapayuhan ang mga pasahero na dumating nang maaga—tatlong oras bago ang international flights at dalawang oras bago ang domestic. Paalala rin sa mga power banks: hanggang 100Wh ay puwede sa kamay, 100–160Wh kailangan ng airline approval, at higit sa 160Wh ay bawal.
Ayon kay GM Ines, ang lahat ng ito ay bahagi ng modernisasyon para sa mas maayos at world-class na airport experience, hindi lang sa Undas kundi sa pangmatagalan.