Isang lalaki ang patay matapos saksakin ng kanyang katrabaho sa naganap na pananaksak bandang alas-11:45 ng umaga nitong Oktubre 29, 2025, sa Brgy. Poblacion 4, Tanauan City, Batangas.
Ayon sa Tanauan City Police Station, pasado alas-12:10 ng tanghali nang matanggap nila ang ulat hinggil sa insidente.
Batay sa pahayag ng testigong si Airus, kasamahan ng biktima at suspek, narinig umano niya ang mainitang pagtatalo ng dalawa habang siya’y nagpapakain ng manok sa likod ng kanilang opisina.
Ilang sandali pa, nakita raw niya ang suspek na si Tonio na may dalang patalim at humahabol sa biktima na kinilalang si Eli. Nang maabutan ito, pinagsasaksak umano ni Tonio ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, na agad ikinasawi nito sa lugar, bandang 100 metro lamang ang layo mula sa isang Gasoline Station.
Matapos ang krimen, tumakas ang suspek patungo sa damuhang bahagi ng Brgy. Pagaspas, Tanauan City, habang bitbit pa ang ginamit na sandata.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng Tanauan CCPS sa pangunguna ni Police Colonel Sibalo upang matukoy ang motibo at mahuli ang tumakas na suspek.