Dalawang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad na konektado sa isang pamamaril na ikinamatay ng isang 26-anyos na lalaki sa Barangay San Miguel sa Sto. Tomas City, Batangas nitong October 28, 2025.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, natanggap ng Sto. Tomas CCPS ang tawag mula sa City Command Center tungkol sa insidente.
Pagdating sa lugar, nalaman ng mga pulis na nailikas na ng stepfather ng biktima ang katawan nito sa kanilang tahanan. Agad na nagtungo ang investigator-on-case sa bahay ng biktima para simulan ang paunang imbestigasyon.
Batay sa pahayag ng saksi, isang menor de edad na kilala bilang Rise, sakay siya ng biktima sa kanilang motorsiklo nang biglang sumulpot ang dalawang suspek mula sa damuhan sa gilid ng kalsada at pinaputukan ang biktima na si Jef ng maraming beses. Sa kabutihang-palad, nakaligtas ang saksi nang walang pinsala. Tumakas naman ang mga suspek nang walang tiyak na direksyon.
Sa pamamagitan ng positibong pagkakakilala ng saksi sa mga suspek, agad namang isinagawa ng Sto. Tomas CCPS ang follow-up operation na nauwi sa pagkakaaresto. Ang mga naaresto ay kinilalang Elias, 33 anyos mula Barangay San Vicente, Sto. Tomas, at Rolly, 49 anyos mula Tanauan City.
Dagdag pa sa imbestigasyon, lumabas na bago ang insidente, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at si Rolly tungkol sa isang ninakaw na truck battery, kung saan banta umano ang naibato sa biktima. Ito ang itinuturing na posibleng motibo ng pamamaril. Ang ginamit na baril ay hindi pa natagpuan.