Isang makabagong proyekto ang inaasahang magdadala ng pagbabago sa bayan ng Balayan, Batangas.
Inihayag ni Mayor Lisa Ermita ang planong pagpasok ng isang malaking investor na magtatayo ng mga windmill o mga turbina ng hangin sa bayan.
Sa pahayag ni Mayor Ermita, sinabi niyang “Magkakaroon tayo ng Windmill dito sa Balayan.”
Ayon kay Mayor Ermita, ang proyekto ay pangungunahan ng SE Renewable Corporation sa ilalim ng Batangas Wind Project.
Sa oras na ito ay maisakatuparan, magdadala ito ng malinis na kuryente hindi lamang sa Balayan kundi maging sa mga karatig bayan. Bukod dito, inaasahan din na magbubukas ito ng mga trabaho at oportunidad para sa mga Balayeño.
Dagdag pa ng alkalde, dumaraan pa sa masusing pag-aaral at pagsusuri ang naturang proyekto upang matiyak ang kaligtasan at benepisyo nito sa mamamayan.
Ngunit ayon sa kanya, kung ito ay pagpapalain ng Panginoon, tiyak na magiging isa ito sa pinakamalalaking hakbang ng Balayan tungo sa progresibong kinabukasan.
Sa huli, tiniyak ni Mayor Ermita na bukas ang lokal na pamahalaan sa mga negosyanteng handang magbigay ng oportunidad para sa pag-unlad ng kanilang bayan.
Samantala, sa karatig bayan ng Mabini, sinisimulan na ng Basic Energy Corporation ang kanilang 50-megawatt wind power project sa 4,860 ektaryang lupain ng Mabini Peninsula.
Ang proyekto, na may halagang humigit-kumulang 80 hanggang 85 milyong dolyar, ay may 25-taong kontrata mula sa Department of Energy.
Sa pakikipagtulungan ng Japanese renewable energy developer na Renova, Inc., layunin ng proyekto na makapaghatid ng sapat na suplay ng kuryente at makapag-ambag sa pag-unlad ng Batangas bilang sentro ng malinis at makabagong enerhiya. | BChannel news

 
         
         
        