Tumugon ang Philippine Ports Authority o PPA sa mga reklamo sa social media hinggil sa umano’y panghihingi ng pera sa labas ng Batangas Port. Ayon sa ahensya, nag-deploy sila ng port police ngayong Oktubre 30 para magsagawa ng inspeksyon.
Sa panayam sa mga driver, wala umanong nanghihingi ng pera o nagbebenta ng insurance sa labas ng pantalan. Giit ng PPA at ng Port Management Office ng Batangas, mahigpit nilang ipinapatupad ang “no gift policy” at walang nagaganap na lagayan sa loob ng terminal.
Paliwanag pa ng pamunuan, matapos isara ang yellow gate ay mas naging ligtas at organisado ang daloy ng mga pasahero, at nawala na rin ang mga fixer sa paligid ng pantalan.
Dagdag pa ni PPA General Manager Jay Santiago, patuloy ang presensya ng port police, CCTV monitoring, at body cameras upang mapanatili ang seguridad, lalo na ngayong Undas. Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na mag-report muna sa PPA bago mag-post online para maiwasan ang fake news.

 
         
         
        