Humina na ang bagyong Uwan habang patuloy itong lumalayo sa Luzon at papunta sa West Philippine Sea, ayon sa PAGASA ngayong Lunes ng umaga.
Sa huling ulat alas-11, tinatayang nasa 135 kilometro kanluran hilagang-kanluran ng Bacnotan, La Union ang sentro ng bagyo. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometro kada oras at bugso hanggang 160 kilometro kada oras, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Bagaman humina na ang sirkulasyon nito matapos daanan ang kabundukan ng Northern Luzon, nananatiling malawak ang epekto ng hangin na umaabot hanggang 850 kilometro mula sa gitna. Nananatiling nasa ilalim ng Signal Number 3 ang Ilocos Sur, hilaga at gitnang bahagi ng La Union, at hilagang-kanlurang Pangasinan.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng storm surge na higit tatlong metro sa mga baybayin ng Ilocos Region, Central Luzon, Metro Manila, Calabarzon, at ilang bahagi ng Visayas. Delikado pa rin ang paglalayag sa mga karagatang may gale warning dahil sa taas ng alon na maaaring umabot hanggang walong metro.
Inaasahang lalabas ng bansa ang Uwan patungong Taiwan at posibleng bumalik muli sa Philippine Area of Responsibility sa Miyerkules ng gabi.