Mahigit 16,000 pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office para sa sabayang prayer rallies ng Iglesia ni Cristo at United People’s Initiative na gaganapin mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa Maynila at Quezon City.
Ayon kay Maj. Hazel Asilo, tagapagsalita ng NCRPO, ilalagay ang mga pulis sa Rizal Park para sa INC rally at sa EDSA People Power Monument para naman sa UPI rally. Nakipag-ugnayan na rin sila sa MMDA para sa posibleng trapik sa EDSA.
Patuloy ding babantayan ng mga awtoridad ang mga lugar tulad ng US Embassy at Mendiola sakaling magkaroon ng biglaang kilos-protesta.
Sinabi naman ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na layunin ng pulisya na tiyakin ang kaligtasan at kaayusan habang iginagalang ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon.
Paalala rin ng PNP sa publiko — sumunod sa trapiko, makipagtulungan sa mga pulis, at panatilihin ang disiplina sa buong tatlong araw ng aktibidad.