Upang mas mapalakas ang kakayahan ng lalawigan sa agarang serbisyong medikal, pormal na itinurn-over ng The Rotary Foundation ang isang mobile clinic van sa Provincial Health Office ng Batangas ngayong ika-14 ng Nobyembre 2025 sa People’s Mansion, Capitol Compound sa Batangas City.

Ang bagong mobile clinic ay bahagi ng Global Grant Project #2567229 Rotary International District 3820 -3590-3721-3502& 3462 Rotary Club of Batangas, na layuning palawakin ang abot ng serbisyong pangkalusugan sa iba’t ibang bayan at komunidad sa Batangas.

Ayon sa Rotary Club of Batangas, ang sasakyang ito ay magsisilbing karagdagang tulong para tugunan ang araw-araw na pangangailangang medikal ng mga Batangueño, lalo na sa mga lugar na malayo o hirap maabot ng regular na health services.

Sa pamamagitan ng mobile clinic, target ng proyekto na makapaghatid ng mas mabilis, mas malapit, at mas epektibong serbisyong medikal—mula basic check-ups, konsultasyon, hanggang sa iba pang primary health care services.

Inaasahan rin ang bagong mobile clinic na magagamit o makatutulong sa operasyon ng lalawigan pagdating sa paghahatid ng ilang mga serbisyong medikal, tulad na lamang ng minor surgeries.
Magsisilbing daan din ito upang mas matutukan pa ng probinsya ang ganap na implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law at magpapalawak pa sa pagkakaloob ng dekalidad na serbisyong medikal sa mga Batangueño.

Pormal itong inihandog nina PP Do Hornilla, Global Grant Chair; PP Mando Lazarte, Global Grant Committee; PP Claudette Ambida, Global Grant Committee, Magical President Pheng De Chavez; DG Arnold Mendoza; kasama ang partner clubs na Samcheonpo Jungang, Jung Ulsan, at Changhwa Evergreen.

Opisyal itong tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na pinangunahan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto kasama si Provincial Health Office (PHO) Officer-in-Charge, Dr. Gerald Alday, na kapwa kumatawan para sa pamahalaang panlalawigan, na nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat sa Rotary Foundation dahil sa anila’y patuloy na malasakit at suporta para sa kalusugan at kaligtasan ng mga Batangueño.

Giit ng Gobernadora, malaking tulong ang mobile clinic sa pagpapatibay ng health programs ng probinsya.“Kapag pinag-uusapan ang health mahina ang puso ko sa lahat, basta’t everytime na pag-uusapan ang programa about masayadong mababa ang puso ko… metikuloso po ako,” saad nito.
Dinaluhan rin ito ng mga kinatawan ng Sanguniang Panlalawigan, mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan, miyembro ng Rotary International, at marami pang iba.

Patuloy namang nagpapaabot ng suporta ang iba’t ibang Rotary districts para matiyak na ang proyektong ito ay makapagsisilbi nang tuloy-tuloy at epektibo sa buong lalawigan.
Samantala, sinupresa rin ng organisasyon si Governor Vi sa mismong araw bilang pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong November 03.
Sa pagdating ng mobile clinic, inaasahang mas maraming residente ng Batangas ang magkakaroon ng mas madaling access sa serbisyong pangkalusugan.| BChannel NEWS