Pinasok ng mga magnanakaw ang isang Convenience Store sa Barangay Punta, Calamba City, Laguna madaling-araw ng December 2, 2025.
Ayon sa Calamba City Police Station at sa salaysay ng biktima na si Joseph, 26 anyos, assistant store manager ng tindahan, isang grupo ng apat na lalaking suspek ang pumasok sa loob habang siya ang naka-duty.
Agad siyang tinutukan ng baril ng pangunahing suspek at hinawakan habang sapilitang pinagbubukas ng vault ng tindahan, cash drawer, at cash fund.
Dahil sa matinding takot, hindi na nakapaglaban pa ang biktima. Habang kinukuha ang pera sa kaha, nag-attempt pa ang mga suspek na kumuha ng iba pang paninda, kabilang ang ilang pakete ng sigarilyo, mga alak, at iba pang merchandise mula sa shelves.
Hindi doon natapos ang insidente. Tumungo pa ang pangunahing suspek sa back office ng store, kung saan kinuha nito ang bag at ilang personal na gamit ng empleyado. Sinira rin ng grupo ang CCTV at PC monitors ng convenience store, na nagdulot ng tinatayang P51,000 na halaga ng pinsala.
Kinuha rin ng pangunahing suspek ang cellphone ng biktima, isang iPhone 16 na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P42,000. Sa kabuuan, tinatayang nasa P70,000 ang ninakaw na pera mula sa tindahan.
Sa ngayon, tinutukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng apat na suspek. Batay sa paglalarawan, ang isang suspek ay naka-itim na t-shirt, puting shorts at may sling bag. Ang isang suspek ay naka-blue jacket at light brown na shorts. Ang ikatlong suspek ay naka-pulang jacket at gray na jogging pants. At ang ika-apat na suspek naman ay naka-blue t-shirt at light brown na shorts.
Patuloy ang imbestigasyon ng Calamba City Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. | BChannel news