Isang bus driver ang nasawi matapos barilin sa ulo ng isang lalaking nagpanggap na pasahero madaling-araw ng Disyembre 19 sa kahabaan ng Marcos Highway malapit sa Kanto Padilla, Barangay San Isidro, Antipolo City.
Ayon sa pulisya, bandang alas-2:50 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente at nai-report bandang alas-3:30 ng umaga.
Batay sa paunang imbestigasyon at salaysay ng saksi, sakay ang biktima ng minamanehong bus nang sumakay ang suspek at nagkunwaring pasahero. Makalipas ang ilang minuto, nagtanong umano ang suspek kung magkano ang pamasahe papuntang Cubao. Nang sumagot ang biktima ng P88 pesos, bigla na lamang bumunot ng baril ang suspek at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang driver.
Agad na bumaba ang suspek at tumakas patungong Sitio Cabading sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaking kasabwat. Ang biktima ay kinilalang si Jefferson, nasa hustong gulang, isang bus driver at residente ng Barangay Bagong Nayon, Antipolo.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na kapwa nakasuot ng itim na hoodie at helmet, at sakay ng itim na motorsiklong walang plaka. Patuloy ang follow-up operation at imbestigasyon sa kaso at inaalam na rin ang motibo sa krimen. | BChannel news