Arestado ng Batangas Police Provincial Office ang isang driver dahil sa ilegal na transportasyon ng diesel fuel sa Nasugbu, Batangas nitong gabi ng Disyembre 18, 2025.
Ang suspek na kinilalang si “Edwin,” 46 anyos, residente ng Barangay San Isidro, Montalban, Rizal, ay nahuli sa OPLAN SITA checkpoint sa Sitio Pingkian, Barangay Papaya.

Sa inspeksyon, lumabas na ang tanker na minamaneho ni Edwin ay may expired na rehistro at ang discharge valve nito ay hindi maayos na nakaseal.

Wala rin siyang maipakitang permit o dokumento para sa legal na transportasyon ng diesel fuel.
Dinala agad ang suspek sa Nasugbu Municipal Police Station para sa kaukulang aksyon at inihanda na ang mga dokumento para sa pag-file ng kaso.

Ayon kay PCOL Geovanny Emerick A. Sibalo, Acting Provincial Director, nagpapatuloy ang Batangas Police sa mahigpit na checkpoint operations at pagpapatupad ng batas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga paglabag sa regulasyon ng petroleum products.
Binibigyang-diin din ng Batangas Police Provincial ang kahalagahan ng tamang permit at dokumentasyon sa transportasyon ng nasabing produkto. | BChannel news | 📸 Batangas PPO