Isang 17-anyos na lalaki ang nasawi matapos mataga sa Axis Ville, Barangay Tagpos, Binangonan, Rizal nitong madaling-araw ng Enero 9, bandang alas-12:05.
Batay sa imbestigasyon ng Binangonan Municipal Police Station, kapwa dumalo sa birthday party ng isang kaibigan ang biktima na si Ark at ang 21-anyos na suspek na si Jom. Habang may inuman, umalis ang suspek kasama ang kanyang kasintahan na si Jina, habang naiwan ang biktima sa lugar. Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang babae na umiiyak at humihingi ng tulong matapos umanong magtalo sila ng suspek.
Ilang minuto pa, dumating ang suspek na armado ng butcher knife at pilit na isinasama ang kanyang kasintahan, subalit tumanggi ito. Nang makialam ang biktima upang awatin ang suspek, dito umano siya hinataw sa noo. Nauwi sa suntukan ang insidente hanggang mawalan ng malay ang biktima, habang tumakas naman ang suspek.
Isinugod ng mga kaibigan ang biktima sa Rizal Provincial Hospital–Angono Annex, ngunit idineklarang dead on arrival bandang ala-1:18 ng madaling araw. Isasailalim umano sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay, habang patuloy ang manhunt operation laban sa suspek na nananatiling at large. | BChannel news