Naghain ng not guilty plea ang detained contractor na si Sarah Discaya at siyam na iba pang akusado sa kasong graft at malversation kaugnay ng P96.5-milyong flood control project sa Davao Occidental na tinaguriang “ghost project.”
Sa arraignment sa Regional Trial Court Branch 27, itinanggi ni Discaya, kasama ang isang construction executive at walong opisyal ng Department of Public Works and Highways, ang mga paratang.
Tinanggihan ng korte ang hiling na ipagpaliban ang pagdinig ngunit pinayagan ang depensa na magpatuloy sa iba pang legal remedies.
Humiling din ang depensa ng joint ocular inspection upang patunayang may proyekto, habang sinuspinde ng korte ng 90 araw ang mga DPWH officials, maliban sa isang nag-claim na retirado na. Itinakda ang pre-trial sa Pebrero 3.
Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology, mahigpit ang seguridad sa pagdala kay Discaya sa korte.
Inilipat ang kaso sa Lapu-Lapu City alinsunod sa Supreme Court guideline, kaugnay ng alegasyong paglabas ng pondo para sa revetment project sa Jose Abad Santos na umano’y hindi naipatupad.