Isang dating empleyado ang inaresto matapos umanong tangayin ang isang van sa Brgy. San Andres, Malvar, Batangas noong gabi ng Enero, 14.
Batay sa ulat ng Malvar Police Station, bandang alas-sais ng gabi nang iparada at iwanang walang bantay ng kinatawan ng Salflor Builders ang naturang service van sa garahe ng kumpanya. Pagbalik nito bandang alas-otso ng gabi, nawawala na ang sasakyan.
Ayon sa isang saksi, nakita umano ang suspek na si Joel, 41-anyos, tubong Camarines Sur, at dating empleyado ng kumpanya, na kinuha ang van at tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon.
Kaagad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek kinabukasan ng umaga sa Brgy. Marinig, Cabuyao City, Laguna. Kasabay nito, nabawi rin ang ninakaw na sasakyan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong carnapping. | BChannel news