Isang 18-anyos na estudyante ang nasawi matapos umanong pagsasaksakin ng kapwa estudyante sa Barangay Poblacion Zone 2, Taal, Batangas nitong Enero 20 ng hapon.
Agad na inaresto ng Taal Municipal Police Station ang suspek na kinilalang Kerk, residente ng Barangay Luntal.
Batay sa imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek sa harap ng Rizal College bandang alas-3 ng hapon na nauwi sa suntukan.
Sa kasagsagan ng komosyon, bumunot umano ng patalim ang suspek at sinaksak nang tatlong beses sa tiyan ang biktima. Isinugod ang biktima sa ospital sa Lemery ngunit idineklarang dead on arrival.
Naaresto ang suspek sa kanyang barangay at kasalukuyang nakakulong habang inihahanda ang kasong kriminal laban sa kanya.
Pinuri naman ng Batangas Police Provincial Office ang mabilis na aksyon ng mga residente at barangay officials. | BChannel news