Hindi na nakapalag pa ang isang lalaki na sangkot umano sa carnapping ng motorsiklo matapos ang isinagawang follow-up operation ng Nasugbu Municipal Police Station noong ika-19 ng Enero, 2026 sa Okada Manila sa Parañaque City.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, hiniraman umano ng suspek ang motorsiklo ng 19-anyos na estudyante noong ika-4 ng Enero sa Barangay 6, Nasugbu, Batangas, at nangakong ibabalik ito matapos kunin ang kanyang sasakyan. Ngunit makalipas ang ilang araw, hindi na umano naibalik ang motorsiklo kaya nagsumbong ang biktima sa pulisya.
Lumabas sa imbestigasyon na hiningan pa umano ng suspek ng 120-libong piso ang biktima kapalit ng pagbabalik ng motorsiklo, at pinapunta pa ito sa Okada Manila. Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakarekober ng puting motorsiklo.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016. Ayon sa Batangas Police, paiigtingin pa ang kampanya laban sa carnapping at iba pang krimen. | BChannel news