
Isang malaking achievement para sa Pilipinas matapos makapagtala ng third place ang team Inflection Point mula Batangas State University o BatStateU sa international Kibo Robot Programming Challenge o Kibo-RPC.

Ayon sa Philippine Space Agency o PhilSA, nakipagsabayan ang grupo sa daan-daang kalahok mula sa mahigit 30 bansa, kung saan umabot sa 738 teams ang sumali ngayong taon. Sa kompetisyon, kinontrol ng team ang NASA Astrobee robot gamit ang sarili nilang program habang nasa loob ng International Space Station, partikular sa Japanese Kibo module.

Binubuo ang team ng mga third-year aerospace engineering students na sina Howell Dela Cruz, John Royeth Samson, Ahron Martinez, Benedict Lontok, Andrew Cabile, at Amer Panganiban. Sa final round na ginanap mismo sa orbit noong February 28, 2026, nakumpleto nila ang apat sa limang tasks at nakakuha ng score na 216.8 points mula sa 300.

Malapit lang ang agwat nila sa second placer na team Automen mula Malaysia na may 218.4 points, habang nanguna ang Team iTron ng Taiwan na may 269.9.
Hindi na bago sa kumpetisyon ang Inflection Point dahil noong 2024, sila rin ang unang Philippine team na sumali at agad nakakuha ng second place. Ngayon, muling ipinakita ng grupo ang kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng space technology at programming.
Ang Kibo-RPC ay proyekto ng Japan Aerospace Exploration Agency o JAXA, katuwang ang NASA, kung saan sinusubok ang skills ng mga estudyante sa pag-program ng robots na maaaring makatulong sa astronauts sa space missions, lalo na sa mga emergency situations.

Layunin ng kompetisyon na ihanda ang susunod na henerasyon ng engineers at programmers sa pagharap sa hamon ng space environment, kung saan mahalaga ang bilis, accuracy, at teamwork sa ilalim ng microgravity conditions. | JPamintuan, BChannel News