Nais ni Senador Francis “Chiz” Escudero na higpitan ang pag-aanunsyo ng mga sugal sa bansa sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2347 o Gambling Advertising Prohibition Act.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang mga gambling advertisements sa telebisyon, radyo, pahayagan, websites, mobile applications, at social media. Saklaw din nito ang paggamit ng mga artista, influencers, at celebrity endorsers, gayundin ang sponsorships sa sports events, concerts, at cultural activities.
Ayon kay Escudero, panahon na upang magkaroon ng regulasyon sa gambling advertisements, katulad ng ginawang paghihigpit noon sa mga patalastas ng sigarilyo. Aniya, kailangan umanong mabigyan ng proteksiyon ang mga menor de edad at mga taong madaling maengganyo sa pagsusugal.
Kung maipapasa, papayagan lamang ang mga advertisement sa loob ng mga establisimyento ng pagsusugal at sa opisyal na websites o mobile applications ng mga operator, na para lamang sa mga 21-anyos pataas.
Binanggit din ng senador na umabot sa P396.13 bilyon ang gross gaming revenues ng industriya noong 2025, kaya mahalagang mabalanse ang ambag nito sa ekonomiya at ang mga hakbang laban sa problem gambling.
Magkakaroon ng isang taon ang mga operators, advertisers, broadcasters, at online platforms upang alisin ang mga ipinagbabawal na materyales. Ang mga lalabag ay maaaring pagmulta ng hanggang P500,000, makulong ng hanggang tatlong taon, at makanselahan ng permit o lisensya.
Kasama rin sa panukala ang paglalagay ng mga babala tungkol sa responsableng pagsusugal at pagpapalawak ng impormasyon hinggil sa gambling addiction, counseling, at treatment programs.