Umani ng reaksyon online ang mga video ng ilang guro sa Kalinga na nagpapasalamat kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara matapos makatanggap ng mga lapel microphone para sa pagtuturo.
Naging usap-usapan ito matapos magbahagi ng post ang netizen na si Jers Sabado, na kumuwestiyon kung boluntaryo ba o may direktibang sinusunod ang mga guro sa paggawa ng naturang video messages.
Kasunod nito, naglabasan din ang iba’t ibang opinyon mula sa mga netizens, kabilang ang panawagan na mapanatili ang dignidad ng mga guro at maiwasan ang umano’y politicization ng mga programang pang-edukasyon.
“Pera po NATIN lahat ang pinambili sa mga yan, mga ma’am at sirs of DepEd. Pera ng TAXPAYERS ng Pilipinas. Pinaka mataas ang allocated budget for DepEd. Mahigit ISANG TRILYONG peso for 2026. Maraming salamat, TAXPAYERS of the Philippines!” saad sa comment.
May ilang guro rin na nagpahayag ng pagkadismaya sa social media. Ayon sa kanila, marami nang kinahaharap na hamon sa mga paaralan gaya ng umano’y pagbabanta, mabigat na workload, at iba pang suliranin sa edukasyon. Dahil dito, kinukuwestiyon ng ilan kung bakit kailangan pang paglaan ng oras para sa paggawa ng video messages sa halip na matutukan ang mas mahahalagang problema sa mga paaralan.
Lalo pang umigting ang usapin matapos kumalat ang isang mensahe at memorandum na ayon sa ilang guro ay ipinadala sa mga paaralan. Nakasaad umano rito na bukod sa dokumentasyon ng distribusyon ng mga lapel microphone, hinihikayat ang mga teacher-beneficiaries na magsumite ng hindi bababa sa isang minutong video message ng pasasalamat para kina Pangulong Marcos at Secretary Angara. May nakasaad din umanong deadline ng pagsusumite hanggang Agosto 7, 2026.
Sa naturang memorandum, nakasaad umano na ang layunin ng aktibidad ay ang pormal na paglilipat ng accountability at responsibilidad ng mga kagamitan mula sa division office patungo sa mga benepisyaryong paaralan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Department of Education, si Secretary Sonny Angara, o ang mga tanggapan ng DepEd sa Kalinga kaugnay ng mga kumakalat na dokumento at mga reaksyon sa social media. | BChannel News