Nagdulot ng pagkalito sa mga awtoridad ang pagkakatuklas sa hindi bababa sa limang abandonadong kabaong sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila nitong madaling araw ng Agosto 7.
Kabilang sa mga lokasyong pinag-iwanan ng mga kabaong ang Sta. Cruz, Manila; Caloocan City; Quezon City; at Gil Puyat Avenue sa Makati City. Sa Quezon City, natagpuan ang mga ito sa Boy Scout Circle sa Barangay South Triangle at Welcome Rotunda sa Barangay Sta. Teresita.
Sa paunang inspeksyon ng pulisya, walang bangkay na natagpuan sa loob ng mga kabaong. Sa halip, mga nilamukos na papel lamang ang laman ng mga ito. May nakadikit ding mga mensaheng tumutuligsa sa Chinese Communist Party o CCP at sa CPP-NPA.
Dahil sa insidente, bumuo ang Quezon City Police District ng isang Special Investigation Team upang alamin kung sino ang nasa likod ng paglalagay ng mga kabaong, ano ang motibo, at kung anong sasakyan ang ginamit sa operasyon.
Patuloy ring kinakalap ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV at iba pang ebidensya mula sa mga kalapit na establisyimento upang matukoy ang pinagmulan ng mga iniwang kabaong.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, hinimok ng pulisya ang publiko na manatiling kalmado at huwag basta magpakalat ng hindi pa beripikadong impormasyon kaugnay sa insidente. | BChannel News