Isang 10-taong gulang na lalaki ang nasawi matapos sumailalim sa pagtutuli sa isang medical clinic sa Tondo, Maynila na walang kaukulang permit at pinamumunuan umano ng hindi lisensiyadong doktor.
Ayon sa salaysay ng ina ng bata, nagsimula ang komplikasyon sa kalagayan ng kanyang anak matapos itong magpatuli noong Mayo 17. Agad umano nila itong isinugod sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Ipinag-utos na ang pagsasagawa ng autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng bata.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, natuklasan na ang nagpakilalang doktor na nagsagawa ng pagtutuli ay hindi lisensiyado at dati nang nakulong noong 2023 dahil sa kasong pamemeke ng pagkakakilanlan bilang isang medical professional.
Sa halagang ₱1,200, isinagawa ang pagtutuli sa nasabing clinic.
Kinumpirma rin ng barangay na walang kaukulang permit o pahintulot na mag-operate ang nasabing klinika.
Samantala, bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon, inihahanda na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagpapalabas ng subpoena laban sa pekeng doktor upang papanagutin sa pagkamatay ng bata.
Patuloy na nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na tiyakin ang legalidad ng mga klinika at ang lisensiya ng mga nagsasagawang medikal na operasyon upang maiwasan ang ganitong trahedya. | BChannel NEWS