Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang magkapatid na edad 8 at 6 matapos masawi sa isang sunog na tumupok sa kanilang tahanan sa Purok Lison, Barangay 1, Bacolod City, Negros Occidental pasado ala-1 ng madaling araw nitong Martes, Mayo 20.
Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), iniwang kandila ang hinihinalang sanhi ng sunog. Napag-alamang walang kuryente sa lugar sa oras ng insidente, dahilan kung bakit kandila ang ginamit na ilaw ng mga residente.
Sa salaysay ng ina ng mga biktima, naghahanda na umano ang kanilang pamilya para bumiyahe patungong Iloilo bandang alas-3 ng madaling araw.
Ngunit nakiusap ang kanyang 8-taong gulang na anak na bumili muna siya ng pagkain sa isang fast food restaurant, dahilan para siya’y pansamantalang umalis.
Sa kanyang pagbalik, tumambad sa kanya ang trahedya—nasusunog na ang kanilang bahay at hindi na naisalba ang dalawa niyang anak.
Samantala, nagtamo ng matinding paso sa mukha at katawan si Eduardo Gutierrez, ang lolo ng mga bata, matapos subukang iligtas ang kanyang mga apo.
Ayon sa kanya, mabilis na lumaki ang apoy at na-trap na sa loob ng bahay ang mga bata bago pa man siya makapagsagawa ng tulong.
Dahil gawa sa light materials ang bahay, agad kumalat ang apoy at mabilis na nilamon ang buong istruktura.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang tiyakin ang sanhi ng sunog. | BChannel NEWS