Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division o NBI-CCD ang isang lalaki sa Pagadian City dahil sa umano’y inciting to sedition o pag-uudyok sa publiko laban sa pamahalaan.
Kinilala ang suspek na si Michael P. Romero, na mas kilala sa social media bilang “Mike Romero.”
Ayon sa NBI, nagsimula ang operasyon matapos mag-viral sa social media ang post ni Romero na may caption na “Headshot”, kalakip ang larawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at isang pulang arrow na nakaturo mula sa salitang “Bogo” papunta sa Pangulo.
Sa wikang Bisaya, ang salitang “Bogo” ay nangangahulugang “walang utak.” Bagama’t kalaunan ay pinalitan ni Romero ang caption ng naturang post, hindi pa rin binago ang larawan na itinuturing na mapanira at nakakasira sa dignidad ng Pangulo.
Dahil dito, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang mga operatiba ng NBI-CCD.
Sa pamamagitan ng cyber patrolling, natukoy nila ang pagkakakilanlan ni Romero at ang kanyang lokasyon sa Pagadian City.
Noong October 6, nagtungo sa lungsod ang mga ahente ng NBI-CCD kasama ang NBI-Pagadian District Office para sa isang hot pursuit operation. Matapos ang ilang oras ng surveillance, natunton nila ang bahay ng suspek.
Kinabukasan, October 7, inaresto si Romero matapos niyang aminin na siya ang may-ari ng Facebook account na “Mike Romero.” Ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan bago siya dinala sa opisina ng NBI-CCD sa Pasay City para sa booking procedures.
Sa isang pahayag, pinuri ni NBI Director Santiago ang mga ahente sa matagumpay na operasyon at pinaalalahanan ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media. | BChannel news