Pinasok ng mga magnanakaw ang tanggapan ng National Food Authority o NFA, Laguna Branch sa Barangay San Ignacio, kaninang madaling araw ng Lunes, October 20, 2025.
Ayon sa San Pablo City Police Station, pasado alas-3:25 ng umaga nang matanggap ng 911 ang tawag ukol sa insidente. Agad namang rumesponde ang mga duty investigators at mga nagpapatrolyang pulis sa lugar.
Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang ala-1:30 ng madaling araw, pinasok ng tatlong lalaking nakabonnet at naka-camouflage jacket ang nasabing gusali. Ayon sa pulisya, natutulog umano ang security guard sa front gate kaya’t hindi nito namalayan ang pagpasok ng mga suspek.
Habang isa pang roving guard, na natutulog din sa kanyang duty, ay ginising at tinutukan ng baril sa likod ng isa sa mga lalaki.
Sinabihan pa umano ng mga ito ang biktima na “Wag ka nang tumingin, dumapa ka na lang.” Matapos siyang talian, pinilit siyang ihatid ng mga suspek sa opisina ng branch manager.
Doon, ginising ng mga suspek ang branch manager na mahimbing na natutulog at tinutukan din ng baril. Pinahiga ito at itinali rin. Pagkatapos, sinira ng mga suspek ang vault sa cashier’s office at tinangay ang hindi pa natutukoy na halaga ng pera bago tumakas sa hindi malamang direksyon.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng San Pablo City Police para tukuyin at maaresto ang tatlong suspek sa naturang pagnanakaw. | BChannel news