Isang Person With Disability na kabilang umano sa Provincial Most Wanted Persons ng Batangas ang inaresto ng mga operatiba ng Mataasnakahoy Municipal Police Station sa Batangas.
Kinilala ang suspek na si “Sergio”, 29 anyos, at residente ng Cuenca, Batangas.
Nahuli si Sergio sa Barangay Upa, Mataasnakahoy nitong October 27, 2025, sa bisa ng dalawang warrant of arrest para sa Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Section 5 (B) ng Republic Act 7610 o ang batas na nagpoprotekta sa mga kabataan laban sa pang-aabuso.
Ang mga warrant ay inilabas ng Family Court, Branch 2 sa Lipa City, noong October 6 at 9, 2025, na may tig-P180,000 na piyansa bawat kaso.
Bilang isang Person With Disability, tiniyak ng mga pulis na nasunod ang karapatan ng suspek sa ilalim ng Miranda Doctrine, sa tulong ng isang Filipino Sign Language interpreter sa mismong operasyon.
Sa ngayon, nakakulong na si Sergio sa custodial facility ng Mataasnakahoy Police Station habang hinihintay ang pagdinig ng kanyang kaso.