Nagpaalala ang Philippine National Police sa publiko na igalang ang opisyal na uniporme ng mga pulis, kasunod ng kontrobersiyang Halloween sa Makati City kung saan isang partygoer ang nagsuot ng binagong PNP uniform bilang costume.
Ayon kay Acting PNP Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., ang uniporme ng pulis ay simbolo ng serbisyo, sakripisyo, at integridad—kaya’t hindi ito dapat gawing panggimik o pantawid saya.
Humingi naman ng paumanhin sa social media ang partygoer, na tinanggap naman ng PNP bilang leksyon para sa lahat. Dagdag ni Nartatez, ang uniporme ay simbolo ng tiwala ng taumbayan sa kapulisan at dapat tratuhing may respeto.
Inatasan din ng PNP ang Anti-Cybercrime Group na bantayan ang mga online platform at e-commerce sites na nagbebenta ng pekeng o hindi awtorisadong PNP uniforms.
Sa pahayag ni NAPOLCOM Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan, “kabastusan” ang paggamit ng uniporme bilang costume. Ayon kay Calinisan, maghahain siya ng show-cause order laban sa nasabing indibidwal na posibleng maharap sa kaso dahil sa improper use of police uniform.
Paalala ng PNP na bawal sa batas ang pagsusuot ng opisyal na uniporme ng pulis kung hindi ka miyembro ng organisasyon—dahil ang respeto sa uniporme ay respeto sa institusyong pinagsisilbihan nito.| BChannel news