Nagpataw ang Department of Energy ng humigit-kumulang P24 bilyong pisong multa laban sa Solar Philippines matapos mabigo itong tuparin ang produksyon ng renewable energy sa mahigit labing-isang libong megawatts na proyekto sa loob ng nakaraang dalawang taon.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, kabilang sa multa ang performance bond, training at development fund, at iba pang obligasyong pinansyal na nakasaad sa kontrata.
Giit niya, sisingilin ang lahat ng developer na hindi tumupad sa kanilang pangako.
Napag-alaman ng DOE na hindi naihatid ng Solar Philippines ang halos labindalawang gigawatts na kapasidad ng renewable energy na kanilang ipinangako. Dagdag pa ni Garin, ilang beses nang nagpadala ng abiso at show cause order ang ahensya, pati kahilingan na i-renew ang performance bond, ngunit wala umanong tugon mula sa kumpanya.
Ang Solar Philippines ay itinatag ni Batangas Rep. Leandro Leviste.
Nilinaw ng DOE na dumaan sa tamang proseso ang pagwawakas ng mga kontrata at bahagi ito ng kampanya laban sa mga developer na hindi sumusunod sa kasunduan, upang matiyak na lehitimo at seryoso ang mga mamumuhunan sa sektor ng enerhiya.
Wala pang nilalabas na pahayag ang Solar Philippines at si Cong. Leviste ukol sa ipinapataw ng DOE. | BChannel news