Naglabas ng warrant of arrest ang hukuman laban sa 18 indibidwal na iniuugnay sa mabigat na kasong kidnapping with homicide na itinuturong utak sa pagkawala ng mga sabungero, base sa opisyal na dokumento ng PNP na inilabas noong ika-13 ng Enero 2026 sa Sta. Cruz, Laguna.
Ayon sa kautusan ng korte, inaatasan ang lahat ng law enforcement officers na agad na arestuhin ang mga akusado na kinabibilangan nina Charlie Tiu Hay Ang na kilala rin sa mga alyas na “Atong Ang” at “Boss AA,” kasama sina Rogelio Teodoso Borican Jr., Jezrel Lazarte Mahilum, Mark Carlo Evangelista Zabala, Rodelo Antipuesto Anig-io, Emman Cayunda Falle, Julios Tagalog Gumolon, Ronquillo Pacot Anding, Ryan Jay Eliab Orapa, Aaron Ezrah Lagahit Cabillan, Mark Anthony Aquilo Manrique, Anderson Orozco Abary, Michael Jaictin Claveria, Edmon Hernandez Muñoz, Farvy Opalla Dela Cruz, Renan Lagrosa Fulgencio, Alfredo Uy Andes, at Joey Natanauan Encarnacion.
Batay sa warrant, tinukoy ang ilang posibleng kinaroroonan ng mga akusado kabilang ang mga address sa Pasig City, Mandaluyong City, Quezon City, at iba’t ibang lugar sa CALABARZON gaya ng Lipa City at Laurel sa Batangas, gayundin sa Los Baños, Calamba, Santa Rosa, at Santa Cruz sa lalawigan ng Laguna. Ilan sa kanila ay sinasabing matatagpuan sa isang farm area sa Barangay Tangob, Lipa City, Batangas, habang ang iba ay maaaring matagpuan sa iba pang nabanggit na lokasyon o saan mang lugar na kanilang pinagtataguan.
Malinaw sa kautusan ng hukuman na ang kasong kidnapping with homicide ay itinuturing na non bailable. Kapag naaresto, inaatasan ang mga awtoridad na agad dalhin ang mga suspek sa korte upang harapin ang kaukulang proseso ng batas.
Ang warrant of arrest ay opisyal na nilagdaan at tinatakan ng hukuman noong ika-13 ng Enero 2026 sa Sta. Cruz, Laguna, at inaasahang ipatutupad kaagad ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Sa pagsisilbi ng warrant of arrest hindi nakita si Ang sa Barangay Tangob, Lipa City, Batangas at sa Pasig City.
Ssamantala, naaresto at nasa kustodiya na ng PNP-CIDG NCR ang 9 na pulis na kasama sa mga akusado kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.