Isang lalaki ang pinagtatataga sa Barangay Mapulo, Taysan, Batangas bandang alas-9:30 ng gabi noong Mayo 13, 2025, habang idinaraos ang “Pasayaw sa Fiesta” sa basketball covered court ng nasabing barangay.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon ng Taysan Municipal Police Station, lumalabas na habang nakikisaya sa naturang kasayahan ang biktimang si Rhanrev, 30 anyos, ay biglang nagkaroon ng kaguluhan sa lugar. Sa kanyang pagtatangkang mamagitan, siya ay tinaga ng suspek sa kaliwang braso.
Agad namang isinugod si Rhanrev sa Batangas Medical Center upang malapatan ng kaukulang lunas. Sa kasalukuyan, ito ay nasa ilalim ng medikal na gamutan.
Kinilala ang suspek na si Marc, 25 anyos, binata, isang welder at residente rin ng Brgy. Mapulo. Pagkatapos ng insidente, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang pink na motorsiklo at kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Taysan MPS at nag-request na rin ng dragnet operation upang maharang at madakip ang tumatakas na suspek. | BChannel NEWS