Walong informants ang tumanggap ng kabuuang ₱11.6 milyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Mayo 22, 2025, sa ilalim ng Operation: Private Eye — isang insentibong programa para hikayatin ang mga mamamayan na magsumbong ng ilegal na aktibidad ng droga.
Pinangunahan nina DDB Chairman Secretary Oscar Valenzuela at PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez ang seremonya. Ayon kay Nerez, ang impormasyon mula sa mga informant — na itinago ang pagkakakilanlan — ay nagresulta sa siyam na matagumpay na anti-drug operations, pagkakahuli ng mga high-value drug suspects, at pagkakakumpiska ng malaking halaga ng shabu.
Apat sa kanila ang tumanggap ng ₱2 milyon bawat isa, matapos makapagbigay ng impormasyon na nagbunga sa pagkakasabat ng halos 90 kilo ng shabu sa mga buy-bust operations sa Muntinlupa City at Binangonan, Rizal nitong Marso.
Binigyang-diin ni Nerez na ang pagbibigay ng insentibo ay pagkilala sa kabayanihan ng mga mamamayan na naging mapagmatyag at matapang sa kabila ng panganib. “Vigilance pays off,” ani Nerez.

 
         
        