Muling inihain ni Senator Loren Legarda sa ika-20 Kongreso ang isang panukalang batas na layong i-standardize ang working conditions ng mga waste workers, na may mahalagang papel sa kalusugan ng publiko at pangangalaga ng kalikasan.
Ayon kay Legarda, araw-araw ay may panganib na kinakaharap ang mga manggagawang ito sa pangongolekta at tamang pagtatapon ng basura.
Dagdag pa niya, marami sa kanila ang dumaranas ng iba’t ibang problema tulad ng unsafe na trabaho, mababang sahod, kawalan ng job security, at diskriminasyon.
Sa ilalim ng panukala, sakop nito ang parehong formal workers na employed ng gobyerno, private companies o cooperatives, at informal workers o mas kilala bilang waste pickers o scavengers.
Kasama sa mga benepisyong nakasaad ang GSIS at SSS coverage, hazard pay, at representasyon sa Solid Waste Management Board ng LGU.
Mayroon ding libreng taunang medical check-up, bakuna, personal protective equipment, at access sa health services tulad ng hospitalization, dental at mental health care.
Nakasaad din na hindi lalampas sa walong oras ang kanilang trabaho, at anumang sobra ay may overtime at holiday pay. Inaatasan ang Department of Labor and Employment na maglatag ng guidelines para sa safe at fair working conditions, habang magbibigay naman ng social protection ang Department of Social Welfare and Development.
Kasama rin ang Department of Environment and Natural Resources para sa tamang implementasyon ng Solid Waste Management Act, at TESDA para sa accreditation ng training programs ng mga waste workers.
Binigyang-diin ni Legarda na ang waste management industry ay tahimik ngunit napakahalagang sektor sa ating pang-araw-araw na buhay. | PR