WORLD NEWS | Kinumpirma ng Los Angeles County Health Department ang pagkamatay ng isang batang residente matapos tamaan ng bihira ngunit delikadong komplikasyon mula sa tigdas.
Sa ulat ng Reuters, nakuha ng bata ang impeksiyon noong sanggol pa siya, bago pa siya puwedeng mabakunahan. Bagama’t nakarekober muna, kalaunan ay nagkaroon siya ng subacute sclerosing panencephalitis o SSPE, isang progresibong sakit sa utak na lumalabas taon matapos ang tigdas.
Ayon sa eksperto, nangyayari ito sa isa kada 10,000 kaso, pero mas mataas ang panganib sa mga sanggol na tinamaan ng tigdas bago sila mabakunahan—umaabot ito sa isa kada 600.
Ngayong taon, umabot na sa 1,454 kumpirmadong kaso ng tigdas sa buong U.S., pinakamataas mula 2000. Sa Los Angeles County pa lang, may walong kaso naitala sa taong 2025.
Kaya naman nananawagan ang health officials na siguraduhin ang kumpletong bakuna ng mga bata at pamilya, lalo na bago bumiyahe sa mga lugar na may outbreak.