Nilooban ng magnanakaw ang opisina ng isang delivery company sa Brgy. Bagong Pook, Rosario, Batangas nitong Setyembre 26.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Rosario Police Station, bandang alas–8:30 ng umaga nang matuklasan ng kanilang supervisor na si Renz na tinanggal ang bintana malapit sa opisina ng vault. Pagtingin sa loob, nakita niyang bukas at sira na ang vault at nawawala ang pera.
Sa pagsuri ng CCTV ng J&T Express, lumabas na pasado alas–2:30 ng madaling araw ng parehong araw, pumasok ang suspek sa gusali matapos sirain ang east window grill. Matapos nito ay agad namang pinatay ang CCTV system ng establisyemento.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng karagdagang CCTV footage mula sa kompanya, mga katabing negosyo, at mga kamera sa barangay.
Sa ngayon, patuloy pang tinatantiya ng cash-on-delivery administrator ng kompanya ang kabuuang halagang natangay. | BChannel news