Ipinagmamalaki ni Finance Secretary Ralph Recto ang patuloy na paglakas ng labor market sa bansa matapos maitala ang 50.1 milyong Pilipinong may trabaho nitong Agosto 2025 — isa sa pinakamataas na bilang sa kasaysayan.
Ayon kay Recto, patunay ito na lumalago ang ekonomiya at mas maraming Pilipino ang nakikinabang sa mga trabahong may kalidad at seguridad.
Nadagdagan ng mahigit 942,000 bagong trabaho kumpara noong nakaraang taon, dahilan para bumaba sa 3.9% ang unemployment rate o katumbas ng 2.03 milyong walang trabaho. Bumaba rin ang bilang ng underemployed sa 5.4 milyon, na ibig sabihin ay mas marami na ngayon ang may mas maayos at full-time na trabaho.
Pinakamalaki ang pagtaas ng empleyo sa mga sektor ng construction, pangingisda, serbisyo, at agrikultura.
Samantala, tuloy-tuloy ang mga programa ng pamahalaan para mapanatili ang positibong takbo ng trabaho sa bansa — kabilang dito ang mga job fair ng DOLE at Civil Service Commission, mga skills training ng TESDA, at ang Turismo Asenso Loan Program ni Pangulong Marcos Jr. para sa mga MSMEs sa tourism sector.
Dagdag pa rito, isinusulong din ng gobyerno ang Freelance Workers Protection Act upang maprotektahan ang mga manggagawang independent o freelance. | BChannel news