Maagang ipinadama ng mga Persons Deprived of Liberty o PDLs sa Roxas District Jail sa Oriental Mindoro ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng paggawa ng mga makukulay na parol.
Bahagi ito ng kanilang Christmas livelihood project na sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ng Roxas.
Layunin ng proyekto na maturuan ang mga PDL ng bagong kasanayan at pagkakakitaan habang pinalalakas ang kanilang pagkamalikhain at pakikilahok sa komunidad, kahit nasa loob ng kulungan.
Ayon kay Jail Officer 3 Joefrie Anglo, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Mimaropa, hindi lang ito tungkol sa paggawa ng parol, kundi sa pagbabalik ng pag-asa at motibasyon ng mga PDL.
Itatampok sa iba’t ibang lugar sa Roxas ang mga ginawang parol bilang simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at suporta ng komunidad sa kanilang pagbabagong-buhay.
Dagdag pa ni Anglo, patuloy ang BJMP sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang maipatupad ang mga livelihood at skills program para sa mga PDL sa buong rehiyon. | BChannel news | 📸 BJMP Roxas District Jail