Ipinagpaliban ng Independent Commission for Infrastructure o ICI ang ikalawang pagdinig kay Leyte First District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez na nakatakda sana sa Miyerkules, Oktubre 22.
Ayon sa ICI, personal na humiling si Romualdez ng postponement dahil kailangan umano niyang sumailalim sa isang medical procedure.
Gayunman, walang ibinigay na detalye tungkol sa kalagayan ng kanyang kalusugan.
Matatandaang noong Oktubre 14, humarap na si Romualdez sa unang pagdinig ng ICI, kung saan itinanggi niya ang pagkakadawit sa umano’y “basura scheme.”
Aniya, masaya siya na nabigyan ng pagkakataong mailahad ang kanyang panig at sagutin ang mga tanong ng mga commissioner base sa ebidensya, hindi sa mga haka-haka.
Samantala, posibleng hilingin din ng ICI na isumite ni Romualdez ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.