Pumanaw ngayong umaga si dating Executive Secretary at Former Secretary of National Defense, General Eduardo Ermita.
Si Gen. Ermita ay sumakabilang-buhay bandang alas-8 ng umaga, October 18, 2025 — tatlong buwan matapos niyang ipagdiwang ang kanyang ika-90 kaarawan noong July 13.
Kinumpirma ng anak niya, si Balayan Mayor Lisa Ermita-Abad, ang malungkot na balita sa social media.
Ayon sa kanyang post, “Our father lived a full life in steadfast service to the Filipino people.”
Bilang sundalo, kilala si Gen. Ermita sa kanyang katapatan, disiplina, at malasakit sa bayan. Nagsilbi siya sa ilan sa pinakamahirap na yugto ng bansa, dala ang dangal ng isang tunay na kawal at public servant.
Para sa kanyang pamilya, si Gen. Ermita ay kilala bilang “Papa” o “Lolo Ed” — haligi ng karunungan, lakas, at pagmamahal.
Samantala, inalala rin ng mga taga-First District ng Batangas ang kanyang dedikasyon at liderato, na nagsilbing inspirasyon sa marami.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Congressman Leandro Leviste sa pamilya Ermita.
Aniya, “Lubos po tayong nakikiramay sa pagpanaw ni General Eduardo R. Ermita — isang dakilang lingkod-bayan, huwarang sundalo, at dating kinatawan ng Unang Distrito ng Batangas.”
Maging si Calaca City Mayor Nas Ona ay nagpugay rin, aniya, “Isang pagpupugay kay Gen. Eduardo Ermita: tapat na kawal, mabuting lingkod-bayan, at anak ng Batangas.”
Ang detalye ng burol at libing ay iaanunsyo pa ng pamilya sa mga susunod na araw. | BChannel news