Nauwi sa pananaksak ang inuman ng dalawang lalaki sa Barangay Bayanan, San Pascual, Batangas nitong Linggo ng gabi, October 19, 2025.
Ayon sa San Pascual Municipal Police Station, bandang alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang insidente habang magkasamang umiinom ang biktimang si France, 26-anyos, at ang suspek na si Alexander, 45-anyos — pareho umanong construction worker at residente ng nasabing barangay.
Base sa imbestigasyon, habang umihi sa labas ng bahay ang biktima, biglang naglabas ng patalim ang suspek at sinaksak ito sa kaliwang dibdib at braso nang walang malinaw na dahilan. Nagawa pa umanong makaganti ng suntok ng biktima bago tuluyang naawat ang gulo.
Agad namang rumesponde ang mga pulis ng San Pascual MPS at inaresto si Alexander. Narekober rin sa lugar ng insidente ang ginamit na kitchen knife.
Samantala, dinala sa Hospital ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa naturang kaso gayundin ang motibo. | BChannel news